Sunday, October 28, 2007

DALOY NG KAMALAYAN SA BAGUIO




May hamog na pilit bumababa sa aking bumbunan na walang unan dahil tiniyak kong sapilitan lamang ang makilala ang sarili sa walang pinatunguhan biyahe matapos bumaba ng victory liner. Nagsindi ako ng yosi at humigop ng mainit na kapeng instant 3 in 1 na parang pag-ibig na may palaman na bayolenteng hininga. O natuyong pawis ng magdamag na pagmamatyag kung dito na nga ba maninirahan ng tuluyan pero pilit din namang kinokontra ng mga espiritung hindi ko pa gaanong kakilala. Kaya mula sa isang pasada ng tingin sa kahabaan ng session road (na unti-unting umiikli kapag nasasaulado na ang tiyempo at kumpas ng walang katiyakang paglakad), hihigop ako ng sabaw ng papaitang pinapait lalo na ng mga alaala ng gabing nagliliwaliw ako kasama ang aking anino sa burnham park o kaya nama'y nagpapamasahe sa mga bulag sa likod ng city hall. Ano pa? Siyempre makakalimutan ba ang mga ukay-ukay na pinaglalamayan ng mga alikabok na binukb0k ng mahabang panahong ng paglalayag. Bibili ako ng isang bag. Ilalagay dito ang mga salimuot at saya ng mga nagdaang araw. At isa pa nga pala, baka paratangan akong rasista sa tuwing nakakasalubong ang mga dayuhang nahuhumaling sa ganda ng kordi, napapangiwi kasi ako palagi. Pero sino ba ako, hindi naman ako lolo? Ngayong mas malapad na ang aking mata dahil sa usok ng hinabol ko sa nasusunog na mahika sa kalye, sa c.r. sa Mandarin, sa ukayan, sa gotohan, sa eskinita ng mga estasyon ng bus at dyip, sa isang bar na may tsismisang malalandi at nakakahumaling na goyoan, praningan at lunukan ng masasarap na usapan. Kampay tayo diyan! Kelan ang balik? Hindi pa sigurado. Dahil lagi namang nasa puso ko ang Baguio.