Saturday, August 23, 2008

Marunong din kaming mag-pose: Pause, Post, poste!



Ika-13th Anibersaryo ng KARAPATAN






Agosto 20, 2008 nang ipagdiwang ng KARAPATAN (Alyansa para sa Karapatang Pantao) ang kanilang ika-13th anibersaryo sa CM Recto Hall sa U.P. Diliman. Dinaluhan ang nasabing programa ng iba't ibang organisasyon, mga estudyante, guro at kawani na patuloy na sumusuporta sa KARAPATAN at sa mga pamilya ng pulitikal na pamamaslang at sapilitang pagkawala. Naroon din si Senator Jamby Madrigal na nagbigay ng kanyang mensahe ng pakikiisa sa layunin at adhikain ng alyansa sa pagsusulong ng karapatang pantao.

Gabi ng Pakikiramay para sa mga Magsasaka






Narito ang ilan sa mga larawan ng gabi ng kultural na pagtatanghal ng iba't ibang sektor at organisasyon para sa tunay na repormang pang-agraryo para sa mga magsasaka ng limang hasyenda (yulo,fule, ayala, reyes at zobel).

Ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa!

Wednesday, July 23, 2008

dagliang pagbalik (5 dagli)

Bangungot

Dati-rati’y himbing sa pagtulog ang mga katutubong nadatnan nina Chirino sa mga pulo ng Pilipinas. Resulta ito ng mahusay na pag-aalaga ng kanilang ngipin na laging hinuhugasan pagkagising at bago at pagkatapos kumain. Hindi lang simpleng palamuti ang mga gintong ipinasak sa mga ito. Kundi, batid ng mga katutubong mahalaga ang pag-alaga sa ngipin para sa kanilang kalusugan at gayundin naman para tumagal ang kanilang buhay. Nang sabihin sa kanila ng mga prayleng dapat itapon sa bubong ang natanggal nilang ngipin para kunin at palitan ito ng daga para mapalitan ito ng mas maputi at mas matibay na ngipin, nagbago ang dati nilang gawi. Simula noon, ang mga katutubong mahimbing sa pagtulog tuwing gabi’y binabangungot sanhi ng sakit na hatid ng ngiping nabubulok.


Paninilip

Kapag naglalakbay ang mga misyoneryong kastila sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas, may mga pagkakataong sinasamahan sila ng mga katutubo. Saulado ng mga ito ang lugar na kanilang tinatahak sapagkat kaya nilang basahin ang mga bakas na makikita sa gubat para hindi maligaw. Kapag may nadaraanan silang ilog, naliligo ang mga kababaihang katutubo at pilit na itinatago ang kanilang katawan. Maingat silang hindi masilipan ng sinuman sapagkat taal sa kanilang kultura’t paniniwala ang pagiging mahiyain at maingat sa katawan. May isang misyonaryong nahumaling at nagnasa na makita ang hubad na katawan ng mga babaeng katutubo. Sinabi niyang para hindi siya maligaw sa paglalakbay sakaling siya’y maiwan, hiniling niya sa mga babae na baligtarin ang kanilang mga damit. Isang araw, tanghali na nang gumising ang misyonaryo. Dahil ayaw siyang maistorbo ng mga katutubo sa mahimbing na pagtulog, muli nilang binaligtad ang kanilang damit at iniwan na mag-isa ang misyonaryo na batid nilang makakasunod at hindi maliligaw. Laking gulat ng mga katutubo nang mawala ang misyonaryo at nabalitaan na lamang nilang namatay ito sa gutom dahil sa paikot-ikot na paglakad sa masukal na gubat.

Buhok

Tinatawag silang Kaibaan o Kibaan ng mga Ilokano. Tulad ng mga mangmangkik, hindi sila mga demonyo o kaya’y multo, pero pinaniniwalaan na hindi sila nakikita. Tuwing gabi sila lumalabas, lalo na kapag himbing na sa pagtulog ang karamihan. Binubuksan nila ang bintana ng nadaraanang mga bahay para maghanap ng makakain. Kung minsan, nagpapakita sila sa mga tao. Mahaba ang kanilang buhok at sinasabing saliwa ang mga paa kapag naglalakad. Marami ang natatakot sa kanila sapagkat kapag sila’y tumingin nanlilisik ang kanilang mga mata. Idagdag pa ang balbon na mukha habang pinaniniwalaang naninigarilyo ng tabako para makapagdagdag ng panakot. Para sa mga binyagan, marapat silang iwasan upang hindi sila magamitan ng tagiroot, isang mahiwagang damo na may kapangyarihang mang-akit. Isang tanghaling tapat, binulabog ang plasa ng isang kabayong tumatakbo na may hila-hilang duguang katawan ng isang tao. Hindi makita ang kanyang mukha na tinatakpan ng makapal at mahaba niyang buhok na pinahiran ng langis.


Tabi-tabi po!

Bari, Bari
Dika agunget pari
Ta pusukan kami
Iti pabakirda kada kami

Hindi nila gustong putulin ang mga matatayog na punongkahoy na nagbibigay sa kanila ng lilim, buhay at bahay. Napag-utusan lamang sila kung kaya’t humihingi ng paumanhin sa mga anitong naninirahan sa mga punong patutumbahin. Kailangan ng matitibay na kahoy para sa gagawing galyon at kung hindi sila sumunod, di mabilang na latigo ang lalatay sa kanilang likod.


Tulay

Ayon sa mga unang tala ng mga prayleng bumisita sa Pilipinas, sinasamba ng mga katutubo ang mga buwayang nakatira sa mga ilog na kanilang tinatawid. Laking pagtataka nila kung bakit nagtatapon ng pagkain ang mga katutubo sa mga buwaya, na para sa kanila’y paglapastangan sa diyos na kanilang ipinakikilala at ikinakalat sa ating lupain. Nang hindi na sila makatiis, ipinagbawal nila ito sa mga katutubo sapagkat ito’y isang barbariko at mala-demonyong gawi. Matapos lamang ang ilang araw, laging nakakatanggap ng masamang balita ang mga pinunong prayle na inatake at nilamon ng mga buwaya ang kanilang mga misyonaryo at kasama nitong mga katutubo sa mga ilog na dati-rati’y payapang natatawid. Nagpakagawa ng tulay ang mga kastila dahil sa takot at ang mga buwaya na dati’y maamong alaga ng mga katutubo’y lalong naging mabangis.


Sakit

Tulad ng nakasanayang gawi ng mga mananampalataya sa mga nililok na mukha ng mga diyos na may matatangos na ilong, tuwing umaga’y binibisita nila ang mga ito upang mag-alay ng bulaklak at pagkain. Laking pagtataka nila na sa kanilang pagbisita’y nagbabago ng anyo ang mukha ng rebulto. Isa itong himala, ang sabi ng pinuno ng parokya. Mabilis na kumalat ang balita at nagsidagsaan ang mga katutubong binyagan para mag-alay ng dasal, humiling na gumaling sa mga bagong anyo ng sakit na hindi na napapagaling ng mga mahiwagang dahon at bulaklak. Nagpatuloy ang sunod-sunod na dasal at pag-aalay sa milagrosong santo na nag-iiba ang hugis ng ilong at mukha. Tuwing gabi, kapag walang tao sa kapilya, dinadalaw ni Severino Marzan ang nililok niyang pigura. Hindi siya makuntento sa kanyang debuho kung kaya’t tinatapyasan niya ito sa pagnanais na maging perpekto ang mukha at ilong ng sinasambang rebulto.

GMA SONA SING-ALONG

Tuesday, July 1, 2008

U.P. RADICAL CENTENNIAL LECTURES

inihahandog ng

Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND) at ng All-UP Academic Union (AUPAU)

UP NAMING MAHAL:

A FORUM ON THE RADICAL

CENTENNIAL OF UP

Lecture Series No. 2

Tema:

Ang Unibersidad ng Pilipinas at ang Pambansang Demokrasyang Pakikibaka
Bulwagang Rizal, Faculty Center,

Lunes, July 7, 2008. 1-5 ng hapon

MGA TAGAPAGSALITA

Lanie Abad

Jerrie Abella

Arnold Alamon

Dante Ambrosio

Mykel Andrada

RC Asa

Jonabelle Asis

Joey Baquiran

Joi Barrios

Buboy Cabrera

Silay Lumbera

Alaysa Escandor

Vlad Gonzalez

Kenneth Guda

Bomen Guillermo

Boni Ilagan

Bien Lumbera

Jpaul Manzanilla

Elmer OrdoƱez

Mong Palatino

Roselle Pineda

Noni Queano

Ilang-ilang Quijano

Sarah Raymundo

Norma Respicio

Nato Reyes

Terry Ridon

Rommel Rodriguez

Joan Salvador

Judy Taguiwalo

Ganni Tapang

Tess Vistro


UP ANG GALING MO, IALAY SA BAYAN!

Thursday, June 19, 2008

ITO PA'NG IBA





Anu-ano na lang...




GOOD NEWS

Dahil may internet na kami sa bahay, mas madalas na akong makakapasulat ng mga blog entries. Mas maraming makikitang piktyurs, porn, ads, shoes, friends, lovers, ex-lovers, future lovers, readers, critiques, crickets.

Friday, February 1, 2008

Liham

Omeng,

Haberday bok! Musta? Ano naman ang nangyari sa espesyal na araw na ito para sa iyo? Espesyal nga bang maituturing ang kaarawan mo kung mas naaalala mong unti-unti ka nang tumatanda, kumukulubot ang balat, nanghihina ang katawan at para bang wala ka pa ring nagagawang isang bagay na maipagmamalaki mo, hindi sa ibang tao kundi sa iyong sarili. Pasensiya na kung sa unang sulat kong ito ay parang nang-iirita pa ako. Dangan kasi'y ngayon lang naman ako nagkaroon ng lakas ng loob na kausapin ka sa pamamagitan ng liham. Natandaan mo ba dati, noong nakatira ka pa sa Malingap, isang gabi, bigla ka na lang umiyak ng hindi mo alam ang dahilan? Kaya iyon, gamit ang sarili mong kamay, inalo mo ang iyong sarili. Pero kung tutuusin, ako talaga iyon. Ang bahagi ng iyong pagkataong susulpot sa tuwing kakailanganin mo ng kausap o nang makakasama sa panahon ng pag-iisa.

Balita ko madrama ang buhay mo ngayon. May ibang tao na hinahanap ka at hindi ka daw mahagilap. Meron ka bang pinagtataguan? Nasabi mo na ba sa isang tao ang labis mong pagtingin sa kanya kaya pilit mo siyang iniiwasan? Parang hindi ka pa rin natututo. Hindi ba't napagpasyahan na natin na kahit papaano kailangang sa edad mong iyan, alam mo na ang gusto mo at hindi?

Nakita kita kagabi sa Saras. Kasama mong umiinom ang ilan sa iyong mga naging estudyante. Nandun ka nga pero nahalata ko na parang wala ka rin. Paano ka ba naman kasi magiging kontento sa sitwasyong iyon kung ang dami mong abalahin. Tingin ko'y kasalanan mo na rin iyan (o kasalanan natin? mamili ka na lang). Ang daming mong planong gawin sa buhay at para bang nagmamadali ka kahit wala namang humahabol sa iyo. Oo, sige, tanggap ko na marami kang dapat asikasuhin, trabaho, pamilya, bayad sa upa ng bahay at marami pang iba. E ikaw, kailan mo aasikasuhin ang sarili mo? Hindi ba't nagre-reklamo ka na (at ako lang naman ang nakakaalam nito) na may dapat kang gawin pero hindi mo magawa? Baka pwede mo itong balikan at isiping muli. Nauunawaan mo ba ako?

Napansin ko rin na parang mas pinipili mong mag-isa kahit hindi naman kailangan. Hindi mo pa rin makalimutan na noong bata ka, masaya ka na sa paglalarong mag-isa ng saranggola at paghabol sa mga tutubi at tipaklong. Pero Omeng, iba na ngayon ang sitwasyon. (Alam mo rin naman ito) Hindi ka na bata at ang buay ay hindi tungkol sa pagpapalipad ng saranggola o paghuli ng mga kulisap. Bakit ang dami mo pa rin kinakatakutan kahit wala ka naman dapat katakutan? Ikaw diyan ang laging nagsasabi sa mga estudyante mo na dapat harapin nila ang kanilang takot pero parang ikaw pa ang numero unong umuurong kapag alam mong magiging alanganin ang lagay mo. Kung tutuusi'y pwede naman ito, pero sa huli, kailangang pag-isipan mo nang mabuti kung dapat ka nga bang matakot o hindi.

Huwag kang masyadong mag-isip sa mga alalahanin mo sa buhay. Huwag masyadong maging madrama dahil baka malunod ka at sa huli'y huli na ang lahat para umahon kang muli. Easy lang, relaks, dahil ang katotohanan (muli, alam mo na ito pero gusto ko lang ipaalala) marami ka pang dapat gawin. Alam mo na dapat ang mga ito. Pero kung hanggang sa ngayon ay nalilito ka pa rin, handa akong magpaliwanag kung kinakailangan.

Ingat lagi,

Ako/Ikaw

Monday, January 28, 2008

Malunggay for Biofuel


Mahilig akong kumain ng gulay. Kasama na dito ang malunggay na naaalala kong pinipitas lang sa mga kapitbahay na may tanim nito. Epektibo daw ito sa mga nanay na buntis dahil mas mapaparami ang gatas nila para sa iluluwal na sanggol. Yung iba, pinapatuyo ang mga dahon nito at ginagawang tsaa. Pero ngayon, may iba na itong drama. Noong isang araw, habang nagbabasa ng dyaryo, nalaman kong may apat na dayuhang mag-aaral mula sa MIT ang nandito ngayon sa Pilipinas. Pag-aaralan nila ang malunggay dahil maaari daw itong gamitin para makakuha ng biofuel. Hindi na bago ang ganitong mga pangyayari sa ating bansa. Marami tayong mga likas-yaman na pinagdidiskitahan para pakinabangan ng iilan. Pero ang gusto talaga nila, bukod sa madaling tumubo ang malunggay sa ating bansa, maraming tayong malawak na lupaing pagtatamnan nito, may cheap labor force ang bansa at malapit tayo sa mga bansa sa asya na magsisilbing market sakaling magkaroon na ng mga pabrika para sa malunggay biofuel.

Ano pa nga ba ang bago? Tayo ang may yaman, pero hindi tayo ang nakikinabang.

Friday, January 25, 2008

Kaarawan sa Tubig

Ika-33 kaarawan ko na sa Pebrero 1, 2008. Timing na nandito ako ngayon sa library at may kinuha si Dette na libro tungkol sa mga bdays. Sinipi ko ang ilang tala sa mga aquarians at gayundin, mga tala sa mga ipinanganak sa araw na ito. Kakaiba, parang bang totoo. Ka-birthday ko pala si Langston Hughes (playwright-poet-novelist). E anu ngayon?

"Joy is essential to the Aquarius personality. Often Aquarians baffled and bewildered by rejection, since they approach life with a basically open attitude. They can be for more accepting than others, and consequently assume that others will accept them as well, which is often not the case. Furthermore, they like things to go easily. A wish for happiness and understanding pervades everything they do, but if confronted with conflict or stressful demands they can fly off the handle, go on the attack with lightning speed or simply choose to disappear.
Aquarians are promoters of high ideals, valuing scientific and universal truths highly. They strive to maintain objectivity and for this reason are sometimes accused of coolness or lack of emotion. Because they can skate with ease across the surface of life, sizing up situations and reacting speedily, some find Aquarians too superficial in their approach. Paradoxically Aquarians are often irresistibly attracted to those profound, darker aspects of other that seem to figure less prominently in their own personality.

February 1 people are first and foremost distinguished by their strong earthly but mental nature. Not content with abstract speculations, those born on this day must impress their ideas on the minds of those around them. Headstrong, willful, courageous, they know when they are right and will not give one inch. As their mental preparations for most circumstances is thorough, and they a facile, improvisatory flair, they are able to avoid compromising situations and side step any issues which would rather not discuss. Thus they can make formidable opponents. A February 1 person is characteristically energetic and youthful, but often petulant like a child as well.

Emotional problems can plague February 1 people, particularly in their younger years. Their feelings are often scattered, impulsive and uncontrollable, and thus lead them to trouble repeatedly. More highly evolved February 1 individuals eventually integrate their many-sided talents into a well-functioning, polished persona-but this takes time. Of the qualities mentioned, in their personality hierarchy, the mental usually comes first, the sensuous second and the emotional third. The fourth important area (too often neglected), that of intuition, should be cultivated and relied on more as it can be the important cementing bond which pulls it all together for these talented but tumultuous individuals."

from The Secret Language of Birthdays

PAG-IBIG AT PAKIKIPAGTALIK

Isa sa mga unang gawain sa klase ko sa Pan Pil 19 (panitikan, kasarian at sexualidad) bilang introduksyon sa kurso, pinagsasalita ko ang ari ng aking mga mag-aaral. Siyempre hindi ito literal na pagsasalita ng kanilang ari (kung magyari kasi ang ganun, hindi na natin kailangan ng isang best friend para may makausap tayo tungkol sa iba’t ibang hinaing ng ating buhay). Sa isang maliit na papel, pinapasulat ko ang ilang mga kataga na sa tingin nila’y sasabihin ng kanilang ari sakaling mabigyan ito ng pagkakataong makapagsalita.

Sa mga babae, sinasabi ng kanilang ari ang mga sumusunod na kataga: magandang umaga, kumusta naman?, ang init, kailangan mo na akong tabasin, hello, sino yan? Enter at your own risk. Virgin pa po ako. Excuse me. Business as usual, huwag mo akong duruan. Sa mga lalaki halos pareho pero may iba silang drama tulad ng Attention! Sinong kalbo? Sinong tigasin? Makikiraan po. Pwedeng pumasok? Ariba! Ariba! Sinong gustong magpaararo? Bawal ang espadahan. Hango ang ehersisyong ito sa libro ni Eve Ensler na Vagina Monologues. Sa pamamagitan nito, inaasahan na mababawasan ang hiya ng mga mag-aaral upang pag-usapan ang kanilang sekswalidad, partikular ang kanilang katawan.

Kapag nasobrahan na sa pagiging akademik ang pagtalakay naman sa iba’t ibang usaping may kinalaman sa kasarian at sekswalidad, nagiging boring na kung minsan ang usapin. May humihikab na parang tinatamad, may laging nag-aabsent (bihira kasi ako mag-tsek ng attendance) at meron namang lumilipad ang isip at laging nakatulala o nakatingin sa kisame. Napansin kong mas gusto nila (kung minsan) ang mga usapang naka-lapat sa lupa. Yung tipong bastusan, tuksuhan, bulgar na usapan na hahantong sa tawanan at pagkiliti sa imahinasyon ng mga mag-aaral. Siyempre, kapag namalayan kong pati ako e nag-e-enjoy na sa usapan, pilit kong ibabalik ang leksyon sa klase sa mas akademikong usapan para hindi ako maparatangang bastos na guro (na may katotohanan naman yata) at walang inatupag kundi ang magkuwento ng mga bagay-baga na malayo na sa usapin ng kasarian at sekswalidad.

Hindi namin direktang napag-uusapan ang konsepto ng pag-ibig. Parang boring kasi (bukod sa bitter ako sa usaping ito). Pero naisisingit ito kapag nagkakaroon na kami ng talakayan sa mga kuwento o tulang may hibla ng konsepto ng pagmamahal. Ako, halimabawa, may tula tungkol sa pag-ibig at hayaan ninyong tulain ko ito.

“Kung iguguhit ko ang hugis ng pag-ibig, hindi ito pusong inukit sa katawan ng puno ng mangga. Kundi, isa itong dahon na tinuyo ng tag-araw, na nahulog sa binagsakang lupa. At nadurog nang matapakan ng naghahabulang magkasintahan.”

Gasgas na ang usapin na masarap ang umibig. Pero mas gasgas na yata ang tanong na kailangan bang mahal mo ang isang tao bago ka makipagtalik? Para sa mga konserbatibo at mala-praise the lord aleluya amen, kailangang “birhen” ka sa unang gabi ng pakikipagtalik sa iyong asawa. Ito daw ang regalong mabibigay nila sa asawa na para bang ang pagkabirhen ay inilagay sa kahon at nilagyan ng makulay at floral na gift wrapper. Para naman sa mga asiwa sa ganitong pagtingin, ang pakikipagtalik ay isang gawaing normal na wala naman talagang kinalaman sa konsepto ng pagmamahal. Pwede kang makipagtalik sa iyong sarili (nakapikit ka man o nakadilat o nakaharap sa salamin). Pwede kang makipagtalik sa taong isang minuto mo pa lamang nakikilala (nakita mo man ang mukha niya o hindi). At pwede ka rin naman makipagtalik sa taong ni pangalan o palayaw ay hindi mo alam.

Malapit na pala ang araw ng mga puso. Ang iba sa atin diyan at tiyak na magmumukmok sa isang tabi dahil walang jowa o iniwan ng jowa o tinayming ng jowa na hiwalayan siya sa araw na ito. May ibang hindi naniniwala sa araw na ito dahil pakana lamang ito ng lipunang batbat ng konsumerismo,naglipanang tsokolate at mga lobong hugis puso, ng mga pulang rosas at card na hinalikan muna bago isara at iba’t iba pang mga pakana upang masuyo at sagutin ng nililiyag at iniibig.

Masarap naman talaga ang magmahal. Sinuman ang hindi sumang-ayon dito ay baka tamaan ng kidlat sa katanghalian tapat. Pero kung ang konsepto natin ng pagmamahal ay may kinalaman lamang sa pisikal na aspekto o dili kaya’y isang indibiwal lamang na gawain, baka kailangang nating suriing muli ang ating mga sarili. Iba’t iba ang mukha ng pag-ibig. May pag-ibig sa kapwa tao, may pag-ibig sa kapwa aso.(?) May pag-ibig sa sarili at may pag-ibig para sa mga inaapi at sinasamantala. May pag-ibig sa kultura ng mga dayuhan at pangarap na maging katulad nila. At may pag-ibig din naman sa bayan na sa tingin ko ay tunay na mas mahalaga.

Thursday, January 24, 2008

Tagapagsalita


Kahapon, naging tagapagsalita ako ng sang organisasyon sa College of Engineering ng U.P. Diliman. Pinamagatan itong "Straight Talk on Homosexuality." Hindi ko sana papatulan ang imbitasyon pero naisip ko rin na baka maging interesante ang panayam dahil matagal-tagal na rin akong hindi umaalis ng aming kolehiyo para magsalita. Sa isip-isip ko, kahit papaano may ibang audience naman akong makikita. Bago ang talk, nagpalabas muna sila ng documentary/film na Sunflowers. Tungkol ito sa grupo ng mga bakla sa isang probinsiya na taon-taong nag-oorganisa ng Santacrusan na mga bakla ang gumaganap bilang mga reyna at prinsesa. Nakakatuwa yung documentary pero siyempre nakakainis din dahil sa eksotisasyong nagaganap at mababaw na pagtalakay ng direktor (dayuhang filmmaker) tungkol sa kabaklaan sa Pilipinas. Sa palagay ko, halos mahilo-hilo siya sa malawak na konsepto ng pagiging bakla ng mga Pinoy. Tapos nagsalita yung teacher mula sa CSSP. Marangal naman ang kanyang mga pinagsasabi pero in the end, parang nakulong ang talk niya sa mga teknikal at mala-siyensyang pagtalakay sa kabaklaan. Siyempre nag-stay ako kahit pagkatapos ng talk niya ay biglang nag-open forum na kasi mukhang kailangang niyang umalis. Nung ako na ang magsasalita, wala na siya at naglahong kasama ng kanyang anak na naglalaro ng bitbit na play station. Nagsalita ako siyempre. May ilang testimonyal na mga pakana at mga kuwentong gawa-gawa ko lamang na kahit ako'y parang napapaniwala na rin na totoo. Mga trenta minutos din ako nagsalita at ang mga huling minuto ay inilaan naman sa question ang answer portion. May mga tanong na marangal ang mga estudyenteng dumalo sa ACLE tulad ng paano nga ba binibigyang-pakahulugan ang pagiging bakla sa konteksto ng lipunan at kulturang Filipino at mayroon din namang mga tanong na halos tumambling ako tulad ng kung nagma-masturbate daw ba ang mga homosekswal. Nakakatuwa yung mga estudyante kasi go lang sila sa katatawa sa mga jokes na ibinabato ko (hal. Sa Vatican matatagpuan ang pinakamaraming bakla, kasi nandun ang Papa.) Natapos ang talk. Palakpakan. Picture-picture. Binigyang ako ng certificate (na nalukot din kasi hindi kasya sa bag ko) at kape na galing starbucks. Bukas may talk ulit ako, tungkol naman sa pag-ibig at pakikipagtalik na isponsor ng U.P. Kapitas (org ng mga philo major). Baka kung anu-ano na naman ang masabi ko. Bahala na. Sana ang ibigay naman nilang gift e asukal o kaya creamer.