Friday, February 1, 2008

Liham

Omeng,

Haberday bok! Musta? Ano naman ang nangyari sa espesyal na araw na ito para sa iyo? Espesyal nga bang maituturing ang kaarawan mo kung mas naaalala mong unti-unti ka nang tumatanda, kumukulubot ang balat, nanghihina ang katawan at para bang wala ka pa ring nagagawang isang bagay na maipagmamalaki mo, hindi sa ibang tao kundi sa iyong sarili. Pasensiya na kung sa unang sulat kong ito ay parang nang-iirita pa ako. Dangan kasi'y ngayon lang naman ako nagkaroon ng lakas ng loob na kausapin ka sa pamamagitan ng liham. Natandaan mo ba dati, noong nakatira ka pa sa Malingap, isang gabi, bigla ka na lang umiyak ng hindi mo alam ang dahilan? Kaya iyon, gamit ang sarili mong kamay, inalo mo ang iyong sarili. Pero kung tutuusin, ako talaga iyon. Ang bahagi ng iyong pagkataong susulpot sa tuwing kakailanganin mo ng kausap o nang makakasama sa panahon ng pag-iisa.

Balita ko madrama ang buhay mo ngayon. May ibang tao na hinahanap ka at hindi ka daw mahagilap. Meron ka bang pinagtataguan? Nasabi mo na ba sa isang tao ang labis mong pagtingin sa kanya kaya pilit mo siyang iniiwasan? Parang hindi ka pa rin natututo. Hindi ba't napagpasyahan na natin na kahit papaano kailangang sa edad mong iyan, alam mo na ang gusto mo at hindi?

Nakita kita kagabi sa Saras. Kasama mong umiinom ang ilan sa iyong mga naging estudyante. Nandun ka nga pero nahalata ko na parang wala ka rin. Paano ka ba naman kasi magiging kontento sa sitwasyong iyon kung ang dami mong abalahin. Tingin ko'y kasalanan mo na rin iyan (o kasalanan natin? mamili ka na lang). Ang daming mong planong gawin sa buhay at para bang nagmamadali ka kahit wala namang humahabol sa iyo. Oo, sige, tanggap ko na marami kang dapat asikasuhin, trabaho, pamilya, bayad sa upa ng bahay at marami pang iba. E ikaw, kailan mo aasikasuhin ang sarili mo? Hindi ba't nagre-reklamo ka na (at ako lang naman ang nakakaalam nito) na may dapat kang gawin pero hindi mo magawa? Baka pwede mo itong balikan at isiping muli. Nauunawaan mo ba ako?

Napansin ko rin na parang mas pinipili mong mag-isa kahit hindi naman kailangan. Hindi mo pa rin makalimutan na noong bata ka, masaya ka na sa paglalarong mag-isa ng saranggola at paghabol sa mga tutubi at tipaklong. Pero Omeng, iba na ngayon ang sitwasyon. (Alam mo rin naman ito) Hindi ka na bata at ang buay ay hindi tungkol sa pagpapalipad ng saranggola o paghuli ng mga kulisap. Bakit ang dami mo pa rin kinakatakutan kahit wala ka naman dapat katakutan? Ikaw diyan ang laging nagsasabi sa mga estudyante mo na dapat harapin nila ang kanilang takot pero parang ikaw pa ang numero unong umuurong kapag alam mong magiging alanganin ang lagay mo. Kung tutuusi'y pwede naman ito, pero sa huli, kailangang pag-isipan mo nang mabuti kung dapat ka nga bang matakot o hindi.

Huwag kang masyadong mag-isip sa mga alalahanin mo sa buhay. Huwag masyadong maging madrama dahil baka malunod ka at sa huli'y huli na ang lahat para umahon kang muli. Easy lang, relaks, dahil ang katotohanan (muli, alam mo na ito pero gusto ko lang ipaalala) marami ka pang dapat gawin. Alam mo na dapat ang mga ito. Pero kung hanggang sa ngayon ay nalilito ka pa rin, handa akong magpaliwanag kung kinakailangan.

Ingat lagi,

Ako/Ikaw