Thursday, January 24, 2008

Tagapagsalita


Kahapon, naging tagapagsalita ako ng sang organisasyon sa College of Engineering ng U.P. Diliman. Pinamagatan itong "Straight Talk on Homosexuality." Hindi ko sana papatulan ang imbitasyon pero naisip ko rin na baka maging interesante ang panayam dahil matagal-tagal na rin akong hindi umaalis ng aming kolehiyo para magsalita. Sa isip-isip ko, kahit papaano may ibang audience naman akong makikita. Bago ang talk, nagpalabas muna sila ng documentary/film na Sunflowers. Tungkol ito sa grupo ng mga bakla sa isang probinsiya na taon-taong nag-oorganisa ng Santacrusan na mga bakla ang gumaganap bilang mga reyna at prinsesa. Nakakatuwa yung documentary pero siyempre nakakainis din dahil sa eksotisasyong nagaganap at mababaw na pagtalakay ng direktor (dayuhang filmmaker) tungkol sa kabaklaan sa Pilipinas. Sa palagay ko, halos mahilo-hilo siya sa malawak na konsepto ng pagiging bakla ng mga Pinoy. Tapos nagsalita yung teacher mula sa CSSP. Marangal naman ang kanyang mga pinagsasabi pero in the end, parang nakulong ang talk niya sa mga teknikal at mala-siyensyang pagtalakay sa kabaklaan. Siyempre nag-stay ako kahit pagkatapos ng talk niya ay biglang nag-open forum na kasi mukhang kailangang niyang umalis. Nung ako na ang magsasalita, wala na siya at naglahong kasama ng kanyang anak na naglalaro ng bitbit na play station. Nagsalita ako siyempre. May ilang testimonyal na mga pakana at mga kuwentong gawa-gawa ko lamang na kahit ako'y parang napapaniwala na rin na totoo. Mga trenta minutos din ako nagsalita at ang mga huling minuto ay inilaan naman sa question ang answer portion. May mga tanong na marangal ang mga estudyenteng dumalo sa ACLE tulad ng paano nga ba binibigyang-pakahulugan ang pagiging bakla sa konteksto ng lipunan at kulturang Filipino at mayroon din namang mga tanong na halos tumambling ako tulad ng kung nagma-masturbate daw ba ang mga homosekswal. Nakakatuwa yung mga estudyante kasi go lang sila sa katatawa sa mga jokes na ibinabato ko (hal. Sa Vatican matatagpuan ang pinakamaraming bakla, kasi nandun ang Papa.) Natapos ang talk. Palakpakan. Picture-picture. Binigyang ako ng certificate (na nalukot din kasi hindi kasya sa bag ko) at kape na galing starbucks. Bukas may talk ulit ako, tungkol naman sa pag-ibig at pakikipagtalik na isponsor ng U.P. Kapitas (org ng mga philo major). Baka kung anu-ano na naman ang masabi ko. Bahala na. Sana ang ibigay naman nilang gift e asukal o kaya creamer.

No comments: