Isa sa mga unang gawain sa klase ko sa Pan Pil 19 (panitikan, kasarian at sexualidad) bilang introduksyon sa kurso, pinagsasalita ko ang ari ng aking mga mag-aaral. Siyempre hindi ito literal na pagsasalita ng kanilang ari (kung magyari kasi ang ganun, hindi na natin kailangan ng isang best friend para may makausap tayo tungkol sa iba’t ibang hinaing ng ating buhay). Sa isang maliit na papel, pinapasulat ko ang ilang mga kataga na sa tingin nila’y sasabihin ng kanilang ari sakaling mabigyan ito ng pagkakataong makapagsalita.
Sa mga babae, sinasabi ng kanilang ari ang mga sumusunod na kataga: magandang umaga, kumusta naman?, ang init, kailangan mo na akong tabasin, hello, sino yan? Enter at your own risk. Virgin pa po ako. Excuse me. Business as usual, huwag mo akong duruan. Sa mga lalaki halos pareho pero may iba silang drama tulad ng Attention! Sinong kalbo? Sinong tigasin? Makikiraan po. Pwedeng pumasok? Ariba! Ariba! Sinong gustong magpaararo? Bawal ang espadahan. Hango ang ehersisyong ito sa libro ni Eve Ensler na Vagina Monologues. Sa pamamagitan nito, inaasahan na mababawasan ang hiya ng mga mag-aaral upang pag-usapan ang kanilang sekswalidad, partikular ang kanilang katawan.
Kapag nasobrahan na sa pagiging akademik ang pagtalakay naman sa iba’t ibang usaping may kinalaman sa kasarian at sekswalidad, nagiging boring na kung minsan ang usapin. May humihikab na parang tinatamad, may laging nag-aabsent (bihira kasi ako mag-tsek ng attendance) at meron namang lumilipad ang isip at laging nakatulala o nakatingin sa kisame. Napansin kong mas gusto nila (kung minsan) ang mga usapang naka-lapat sa lupa. Yung tipong bastusan, tuksuhan, bulgar na usapan na hahantong sa tawanan at pagkiliti sa imahinasyon ng mga mag-aaral. Siyempre, kapag namalayan kong pati ako e nag-e-enjoy na sa usapan, pilit kong ibabalik ang leksyon sa klase sa mas akademikong usapan para hindi ako maparatangang bastos na guro (na may katotohanan naman yata) at walang inatupag kundi ang magkuwento ng mga bagay-baga na malayo na sa usapin ng kasarian at sekswalidad.
Hindi namin direktang napag-uusapan ang konsepto ng pag-ibig. Parang boring kasi (bukod sa bitter ako sa usaping ito). Pero naisisingit ito kapag nagkakaroon na kami ng talakayan sa mga kuwento o tulang may hibla ng konsepto ng pagmamahal. Ako, halimabawa, may tula tungkol sa pag-ibig at hayaan ninyong tulain ko ito.
“Kung iguguhit ko ang hugis ng pag-ibig, hindi ito pusong inukit sa katawan ng puno ng mangga. Kundi, isa itong dahon na tinuyo ng tag-araw, na nahulog sa binagsakang lupa. At nadurog nang matapakan ng naghahabulang magkasintahan.”
Gasgas na ang usapin na masarap ang umibig. Pero mas gasgas na yata ang tanong na kailangan bang mahal mo ang isang tao bago ka makipagtalik? Para sa mga konserbatibo at mala-praise the lord aleluya amen, kailangang “birhen” ka sa unang gabi ng pakikipagtalik sa iyong asawa. Ito daw ang regalong mabibigay nila sa asawa na para bang ang pagkabirhen ay inilagay sa kahon at nilagyan ng makulay at floral na gift wrapper. Para naman sa mga asiwa sa ganitong pagtingin, ang pakikipagtalik ay isang gawaing normal na wala naman talagang kinalaman sa konsepto ng pagmamahal. Pwede kang makipagtalik sa iyong sarili (nakapikit ka man o nakadilat o nakaharap sa salamin). Pwede kang makipagtalik sa taong isang minuto mo pa lamang nakikilala (nakita mo man ang mukha niya o hindi). At pwede ka rin naman makipagtalik sa taong ni pangalan o palayaw ay hindi mo alam.
Malapit na pala ang araw ng mga puso. Ang iba sa atin diyan at tiyak na magmumukmok sa isang tabi dahil walang jowa o iniwan ng jowa o tinayming ng jowa na hiwalayan siya sa araw na ito. May ibang hindi naniniwala sa araw na ito dahil pakana lamang ito ng lipunang batbat ng konsumerismo,naglipanang tsokolate at mga lobong hugis puso, ng mga pulang rosas at card na hinalikan muna bago isara at iba’t iba pang mga pakana upang masuyo at sagutin ng nililiyag at iniibig.
Masarap naman talaga ang magmahal. Sinuman ang hindi sumang-ayon dito ay baka tamaan ng kidlat sa katanghalian tapat. Pero kung ang konsepto natin ng pagmamahal ay may kinalaman lamang sa pisikal na aspekto o dili kaya’y isang indibiwal lamang na gawain, baka kailangang nating suriing muli ang ating mga sarili. Iba’t iba ang mukha ng pag-ibig. May pag-ibig sa kapwa tao, may pag-ibig sa kapwa aso.(?) May pag-ibig sa sarili at may pag-ibig para sa mga inaapi at sinasamantala. May pag-ibig sa kultura ng mga dayuhan at pangarap na maging katulad nila. At may pag-ibig din naman sa bayan na sa tingin ko ay tunay na mas mahalaga.
Friday, January 25, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment